Napanatili ng Bagyong Goring ang lakas nito habang kumikilos pahilaga hilagang-kanluran sa Philippine Sea sa silangan ng Basco, Batanes, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) nitong Huwebes ng umaga, Agosto 24.
Sa tala ng PAGASA kaninang 11:00 ng umaga, huling namataan ang sentro ng Tropical Depression Goring 355 kilometro ang layo sa silangan hilagang-silangan ng Calayan, Cagayan o 300 kilometro sa silangan ng Basco, Batanes.
May taglay ang bagyo na lakas ng hanging aabot sa 55 kilometers per hour at pagbugsong 70 kilometers per hour, habang kumikilos pa-west northwestward sa bilis na 15 kilomers per hour.
Base sa forecast track ng PAGASA, posible pang lumakas ang bagyo. Maaari itong maging isang tropical storm nitong Huwebes ng gabi o bukas ng madaling araw, Biyernes, Agosto 25.
Inaasahan namang magdudulot ng mga pag-ulan ang bagyo sa susunod na tatlong araw.
Samantala, inihayag din ng PAGASA na malaki ang tiyansang palakasin ng bagyo ang southwest monsoon o habagat simula sa darating na Linggo, Agosto 27, o Lunes, Agosto 28, na magdadala rin ng occasional rains sa kanlurang bahagi ng Central at Southern Luzon.