Nagbigay ng mga detalye si Unkabogable Star at "It's Showtime" host Vice Ganda sa kinasangkutan niyang aksidente nitong Linggo ng madaling-araw, Agosto 20.
Kuwento niya kay MJ Felipe ng ABS-CBN News, nang mga sandaling iyon, siya ay nasa loob ng kaniyang sasakyan at patungo sa Bonifacio Global City (BGC) upang makipagkita sa co-host na si Vhong Navarro. Pupunta raw sila sa birthday party ng aktor na si Wendell Ramos.
Kalalabas lang daw nila ng subdibisyon nang biglang makarinig si Vice ng malakas na kalabog, na aniya ay kagaya ng isang bombang sumabog. Nang mga sandaling iyon ay naglalaro lamang ng online game ang komedyante.
Nang tiningnan daw nila kung ano ang nangyari, nakita nilang nagkarambola na ang mga sasakyan sa likod nila, kabilang ang sa kanila.
Nabangga pala sila ng isang truck na pagmamay-ari ng isang sikat na online delivery service.
Agad daw lumabas ng kaniyang kotse si Vice at tinulungan ang mag-jowang sakay ng Mercedes Benz, gayundin ang tsuper ng truck na nakabangga sa kanila.
Ayos naman daw si Vice dahil ang kotse niya ay isang "Cadillac Escalade" na talagang matigas daw at hindi mararamdaman sa loob kung may nangyari mang aksidente sa labas.
Sa nangyari kay Vice, naramdaman lamang niya ang pag-shake subalit hindi naman siya napaano.
"Sa sobrang tigas ng kotse mo (Cadillac Escalade) na nawasak yung likod, ibig sabihin sobrang lakas ng bangga niya, kasi hindi 'yon mawawasak nang gano'n..." sabi raw kay Vice.
Naaawa raw si Vice para sa tsuper dahil tila ito pa raw ang pananagutin ng kompanya at contractor ng truck sa mga nangyari, bagama't kasalanan naman daw talaga nito. Sana man lamang daw ay huwag siyang iwanan sa ereng mag-isa ng kompanyang pinaglilingkuran niya.
"Oo tama kasalanan naman talaga ng driver 'di ba, pero nakakaawa rin. Paano niya sasagutin 'yong Cadillac, at Mercedes Benz at may dalawa pa siyang nabangga... paano 'yon? Kaya pakiusap ko, sana tulungan naman nila yung driver. Tulungan ng contractor niya... tutal malaking kompanya naman 'yon..."
Sa huli, sinabi ni Vice na baka magsampa rin siya ng kaso, subalit hindi niya tiniyak kung kasama ba niyang pananagutin ang kinaawang driver.
"Ako rin magsasampa rin, kasi hindi naman puwedeng ganon-ganon lang 'di ba? Someone is accountable. Kung 'yong driver man... pero sana bigyan naman ng assistance ng [kompanya] at contractor niya, huwag namang iwanan nang mag-isa 'yong driver. Kaya nga sabi ko, tutulong lang ba sila o magbibigay lang ba sila ng reaksiyon kung may namatay?"
Sana raw, silang magkakasama sa grupo ay magtulungan naman at huwag lamang pabayaan ang nakabanggang driver.
Samantala, wala pang pahayag o tugon ang kompanya o maging ang contractor ng truck tungkol sa isyung ito.