Tila magsasampa umano ng kaso si Unkabogable Star Vice Ganda kaugnay ng kinasangkutang aksidente noong Linggo ng madaling-araw, Agosto 20.
Sa panayam ni MJ Felipe ng ABS-CBN News sa kaniya, hindi naman tinukoy ni Vice kung ang sasampahan ba niya ng kaso ay ang driver ng truck na nakabangga sa kaniyang sasakyan at sa iba pang kotse, o ang kompanyang pinagtatrabahuhan nito, o kung sino pa mang involved.
Ngunit ipinagdiinan ni Vice na naaawa siya sa tsuper dahil batay sa kuwento niya habang sila ay nasa presinto, "pinagpasa-pasahan" ito ng kompanyang pinagtatrabahuhan at contractor ng truck na gamit nito nang mabangga sila.
Sana raw, huwag iwanan ng dalawang partido ang kaawa-awang tsuper.
Subalit magsasampa rin ng reklamo ang komedyante dahil kailangan daw may accountable sa mga nangyari.
"Oo tama kasalanan naman talaga ng driver 'di ba, pero nakakaawa rin. Paano niya sasagutin 'yong Cadillac, at Mercedes Benz at may dalawa pa siyang nabangga... paano 'yon? Kaya pakiusap ko, sana tulungan naman nila yung driver. Tulungan ng contractor niya... tutal malaking kompanya naman 'yon..."
"Ako rin magsasampa rin, kasi hindi naman puwedeng ganon-ganon lang 'di ba? Someone is accountable. Kung 'yong driver man... pero sana bigyan naman ng assistance ng [kompanya] at contractor niya, huwag namang iwanan nang mag-isa 'yong driver. Kaya nga sabi ko, tutulong lang ba sila o magbibigay lang ba sila ng reaksiyon kung may namatay?" anang Vice.
Samantala, wala pang tugon o pahayag ang kompanyang pinagtatrabahuhan ng driver o maging sa binabanggit na contractor ng truck tungkol dito.