Ikinalungkot ni Senador Joel Villanueva ang pagpanaw ni Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Susan “Toots” Ople noong Martes ng hapon, Agosto 22.

Sa pahayag ni Villanueva nitong Miyerkules, Agosto 23, sinabi niyang hindi lang pamilya ang naiwan ni Ople kundi pati na rin ang milyun-milyong OFWs na inalagaan umano nito.

Eleksyon

Archdiocese of Manila, hindi mag-eendorso ng kandidato sa eleksyon

Pagbabalik-tanaw pa ng senador na bago raw ito maging Kalihim ng DMW ay itinataguyod na ni Ople ang proteksyon ng mga karapatan at kapakanan ng OFWs sa pamamagitan ng non-government organization na Blas F. Ople Policy Center at Training Institute.

“Kaya naman po suki natin si Sec. Toots bilang resource person sa committee hearings at technical working groups ng Senate Committee on Labor noong nakaraang Kongreso, lalo na noong ginagawa natin ang batas para sa Department of Migrant Workers. Her valuable contribution resulted in the inclusion of "ethical recruitment" in the law, which refers to the lawful hiring of workers in a fair and transparent manner that respects and protects their dignity and human rights. This has Sec. Toots written all over it,” saad ni Villanueva.

“As DMW Secretary, Sec. Toots is the perfect person for the job. Her vision for the OFW home in the government was well-aligned with the purpose for which the department was created. Alam niya ang pinagdadaanan ng migrant workers sa pagpasok at paghingi ng tulong sa gobyerno, kaya isa sa mga bilin ni Sec. Toots ay bawal ang pasaway, bawal ang masungit, at bawal din ang mga "Maritess" sa tahanan ng DMW,” dagdag pa niya.

Sa pamumuno ni Ople, naitaguyod ng DMW ang “One Repatriation Command Center, digitalization and national reintegration programs, bilateral labor agreements, and anti-illegal recruitment and trafficking in persons campaign.”

“Sa kabila ng kanyang matinding karamdaman, hindi tumigil si Sec. Toots sa kanyang pagbisita sa ating mga kababayang OFWs. Nang pumutok ang kaguluhan sa Sudan, hindi nagpatinag si Sec. Toots, bumiyahe ng mahigit 842-kilometro sa disyerto patungo sa border ng Egypt at Sudan para tulungan ang ating mga kababayang naipit doon,” dagdag pa ni Villanueva.

Sa huling bahagi ng pahayag ng senador, sinabi niyang isang tunay na kampiyon ng mga OFWs si Ople.

“Sec. Toots, isa kang tunay na kampiyon ng mga OFWs. Salamat sa iyong pagmamahal sa mga OFWs, salamat sa iyong kabutihan, salamat sa pagiging mabuting kaibigan.”

Namaalam si Ople dakong 1:00 ng hapon nitong Agosto 22 habang kasama niya ang kaniyang pamilya at mga mahal sa buhay, ayon sa pahayag ng DMW.

Maki-Balita: DMW Secretary Susan ‘Toots’ Ople, pumanaw na