CABANATUAN CITY, Nueva Ecija — Naaresto ng pulisya ang anim na wanted person at tatlong sugarol sa probinsyang ito nitong Martes, Agosto 22.
Sinabi ni Police Col. Richard V. Caballero, hepe ng Nueva Ecija police, naaresto sa magkahiwalay na “Manhunt Charlie” operations ang anim na wanted person.
Ang mga suspek na nasa kustodiya na ngayon ng mga operating unit ay may mga kaso ng paglabag sa mga ordinansa ng lungsod at munisipalidad, Batas Pambansa 22 o ang Bouncing Checks law, falsification of public documents, at qualified theft.
Samantala, naaresto rin ng pulisya ang tatlong indibidwal dahil sa paglalaro ng “tong-its,” sa Barangay Santo Tomas Feria, Quezon, Nueva Ecija.
Nasamsam sa kanila ang “tong-its” card at bet money na halagang P779.
Sasampahan ng kasong paglabag sa Presidential Decree 1602 o ang anti-illegal gambling law ang mga suspek.