Muling iginiit ni Senador Win Gatchalian ang kaniyang panukalang itaas ang sahod ng mga guro upang itaas umano ang kanilang morale at itaguyod ang kanilang kapakanan.
"Mahalagang hakbang na maitaas ang sahod ng ating mga guro upang mapanatiling mataas ang kanilang morale at mahikayat ang ating mga kabataan na kumuha ng kurso sa pagtuturo," ani Gatchalian, chairperson ng Senate Committee on Basic Education, sa isang pahayag nitong Martes, Agosto 22.
Isa sa mga prayoridad ni Gatchalian sa ilalim ng 19th Congress ang Senate Bill No. 149 o ang Teacher Salary Increase Act. Sa ilalim ng naturang panukala, iminungkahi ni Gatchalian na itaas ang salary grades (SG) ng mga Teacher I mula SG 11 (₱27,000) paakyat sa SG 13 (₱31,320). Iminungkahi niya ring itaas ang sahod ng Teacher II mula SG 12 (P29,165) paakyat sa SG 14 (₱33,843), pati na rin ang sahod ng Teacher III mula SG 13 (₱31,320) paakyat sa SG 15 (₱36,619).
"Dahil mahalaga ang papel ng ating mga public school teachers pagdating sa kaunlaran ng ating bansa, kailangang tiyakin ng pamahalaan na natatanggap ng mga guro ang kaukulang pagkilala at sapat na sahod," dagdag pa ng senador.
Dismayado si Gatchalian dahil napag-iwanan na ang mga Pilipinong guro pagdating sa sahod kung ihahambing sa mga guro sa Timog-Silangang Asya,. Sa Indonesia, halimbawa, nakakatanggap ang mga guro ng humigit-kumulang ₱66,099, samantalang ₱60,419 naman ang natatanggap ng mga guro sa Singapore.
Matapos niyang ibahagi ang naging resulta ng pagrepaso ng Senado sa pagpapatupad ng Magna Carta for Public School Teachers (Republic Act No. 4670), isinulong ni Gatchalian na gawing prayoridad ng 19th Congress ang pagtaas sa sahod ng mga guro. Giniit din niya na dapat bigyang prayoridad ang pagbawas sa gawain ng mga guro at ang pagtiyak na meron silang health insurance.
Balak din ng mambabatas na amyendahan ang Magna Carta for Public School Teachers at gawin itong mas akma sa mga kasalukuyang hamong kinakaharap ng mga guro.
Matatandaang noong inilunsad ang Brigada Eskwela, ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. sa Department of Education (DepEd) na pag-aralan kung ano ang mga maaaring hakbang para madagdagan ang sahod ng mga guro at kawani, bukod pa sa pagtaas ng sahod na kanilang natanggap sa ilalim ng Salary Standardization Law.