Iniulat ng Commission on Elections (Comelec) nitong Martes na itinaas na sa hanggang ₱10,000 ang honoraria para sa mga poll workers na magsisilbi sa 2023 Barangay and Sangguniang Kabataan elections (BSKE).
Ayon kay Comelec chairperson George Garcia, mula sa ₱6,000 at ₱5,000, ay minarapat nilang gawin nang ₱10,000 at ₱9,000 ang honoraria na ipagkakaloob sa chairman at mga miyembro ng electoral boards.
Ang pondo aniya para sa pagtataas ng honoraria ay mula sa savings ng Comelec.
“Ibig sabihin, tinaasan natin base sa aming naipon at natipid sa mga procurement natin," aniya pa, sa isang ambush interview.
Samantala, ang mga poll workers naman sa mga lugar, kung saan magdaraos ng plebisito, gaya ng Bulacan, ay makakatanggap ng karagdagang ₱2,000.
Nasa ₱2,000 rin ang halagang idaragdag sa mga poll workers sa Naga at Muntinlupa, kung saan magkakaroon ng early voting hours para sa mga senior citizens, persons with disabilities, at mga buntis.
Nabatid na ang isang DepEd Supervisor Official (DESO) naman ay makakatanggap ng ₱9,000 para sa pagsisilbi sa halalan habang ₱5,500 naman ang matatanggap ng mga support staff.
Makakatanggap umano ng ₱500,000 na death benefit ang mga mamamatay sa election-related risk habang makakatanggap naman ng hindi lalampas sa ₱200,000 na medical assistance ang mga magtatamo ng election-related injury o illness.
Nabatid na mayroong 823,539 poll workers ang magsisilbi sa 2023 BSKE na idaraos sa Oktubre 30.