Ipinasilip ng National Aeronautics and Space Administration (NASA) ang larawan ng “Ganymede,” ang pinakamalaki umanong buwan sa solar system na mas malaki pa sa planetang Mercury.

Sa isang Instagram post nitong Linggo, Agosto 20, ibinahagi ng NASA na ang Ganymede ay isa umano sa mga buwan ng planetang Jupiter.

“Ganymede is also the only moon known to have its own magnetic field, causing auroras at the poles, much like Earth," saad ng NASA.

Ang naturang enhanced image ng Ganymede naman ay kinunan umano ng NASA Solar System spacecraft na "Juno" sa layong 645 milya o 1,038 kilometro mula sa ibabaw ng nasabing buwan.

Mga Pagdiriwang

ALAMIN: Mga ginagawa ng mga Tsinoy tuwing Chinese New Year

“Juno is still patrolling Jupiter's system, with recent flybys showing the grooved surface in detail, leading to theories that the terrain is possibly linked to tectonic faults,” anang NASA.

Inihayag din ng NASA na gamit umano ang mga obserbasyon mula sa Juno at NASA Hubble, may teorya ang mga scientist na sa ilalim ng makapal na nagyeyelong shell ng Ganymede, matatagpuan ang isang napakalaking saltwater ocean na nagtataglay ng mas maraming tubig kaysa sa pinagsama-samang katubigan sa ibabaw ng Earth.