Inihayag ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) nitong Lunes, Agosto 21, na patuloy na magdudulot ang southwest monsoon o habagat ng mga kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms sa ilang bahagi ng bansa.
Sa tala ng PAGASA bandang 4:00 ng umaga, malaki ang tiyansang makaranas ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan, pagkulog at pagkidlat sa Zamboanga Peninsula, BARMM, SOCCSKSARGEN, Davao del Sur, at Palawan dulot ng habagat.
Maaari umanong magkaroon ng pagbaha o kaya nama’y pagguho ng lupa sa mga nasabing lugar dahil sa katamtaman hanggang sa malakas na pag-ulan.
Samantala, posibleng magkaroon ng bahagyang maulap hanggang sa maulap na may kasamang isolated na pag-ulan, pagkidlat at pagkulot sa Metro Manila at mga natitirang bahagi ng bansa bunsod ng habagat o localized thunderstorms.
Pinag-iingat din ang mga residente rito sa posible umanong pagbaha o pagguho ng lupa tuwing magkakaroon ng malalakas na thunderstorms.
Mimo-monitor naman ng PAGASA ang isang kumpol ng kaulapan sa silangang bahagi ng Mindanao sa loob ng Pilippine area of responsibility (PAR) na maaari umanong mabuo bilang isang low pressure area (LPA).