Dinepensahan ni Vice President at Department of Secretary (DepEd) Secretary Sara Duterte ang kaniyang direktibang alisin ang lahat ng visual aids at iba pang nakapaskil sa mga silid-aralan.
Matatandaang inilabas ni Duterte kamakailan ang DepEd Order No. 21, Series of 2023 na nagsasabing dapat “tiyaking malinis at walang mga dekorasyon, tarpaulin o mga posters ang mga silid-aralan upang magkaroon ng focus ang ating mga mag-aaral sa mga leksyon mula sa ating mga guro.”
Sa panayam ng Radyo 630 nitong Lunes, Agosto 21, binasa ni DepEd spokesperson Michael Poa ang pahayag ni Duterte bilang pagdepensa sa nasabing direktiba.
“I know that President Marcos and all other former presidents, Jose Rizal, and all heroes past and present, will not at all be bothered if learners focus on their teachers, lessons, projects and assignments,” pahayag ni Duterte sa binasa.
“The order is what it is. Take out everything on the wall and let learners focus on their studies. Classrooms and schools should be clean, orderly and functional,” saad pa niya.
Paliwanag naman ni Poa, napagdesisyunan umano ang direktiba matapos daw mag-ikot ng bise presidente at makitang napakaraming nakapaskil sa mga pader ng karamihan ng mga silid-aralan.
“Usually, nagiging tambakan talaga ang ating classrooms. So ang gusto po nating gawin sana sa taong ito, lalong lalo na dito sa ating Brigada Eskwela, ay tanggalin lahat ng nakapaskil sa mga wall because, most often than not, ‘yung mga ginagamit po last year, nandoon pa rin,” ani Poa. “Nakakadistract lang po ‘yan sa ating mga learner.”
“Gusto lang po nating maging maaliwalas ang environment ng ating learners,” saad pa niya.
Binigyang-linaw naman ni Poa na hindi kasama sa mga dapat alisin ang mga kurtinang kailangan din sa mga silid-aralan.
Para naman daw sa visual aids, maaari pa rin naman umanong gamitin ng mga guro ang mga ito sa oras ng kanilang klase.
Pwede pa rin umanong magkaroon ng “bulletin board” ang mga silid-aralan para ilagay doon ang listahan ng academic achievers at iba pang mahahalagang anunsyo sa klase.
Samantala, matatandaang sa huling datos na inilabas ng DepEd, umaabot na sa mahigit 16.8 milyon ang mga mag-aaral na nakapagpatala na para School Year 2023-2024.
MAKI-BALITA: DepEd: 16.8M mag-aaral, enrolled na para sa SY 2023-2024
?fbclid=IwAR3Urhkpd-oNJDi1VSJ04fBJ-2sVYJa06gItFc5mqBNXARCij1C0I2OWymM