Umaabot na sa mahigit 16.8 milyon ang mga mag-aaral na nakapagpatala na para School Year 2023-2024.
Ito ay batay sa huling datos mula sa Learner Information System (LIS) Quick Count para sa SY 2023-2024 na inilabas ng Department of Education (DepEd) nitong Lunes.
Anang DepEd, hanggang alas-10:15 ng umaga ng Agosto 21, 2023, ay nasa 16,816,221 na ang kabuuang bilang ng mga mag-aaral na nagparehistro na para sa darating na taong panuruan.
Pinakamarami umano ang nakapagpatalang estudyante sa Region IV-A na umabot sa 2,858,606, kasunod ang National Capital Region (NCR) na mayroon nang 2,220,470 enrollees.
Pumangatlo ang Region III na may 1,868,161 enrollees habang ang Region VI naman ay nasa 1,435,047 na ang nagparehistrong mag-aaral.
Ang Region VII naman ay mayroon nang 1,255,918 enrollees habang ang Region V ay mayroong 1,033,543 enrollees.
Ayon sa DepEd, pinakamababa naman ang naitalang enrollees sa Cordillera Administrative Region (CAR) na nasa 196,884 lamang.
Kaugnay nito, hinikayat ng DepEd ang mga magulang na ipa-enroll na ang kanilang mga anak upang matiyak na makapapasok ang mga ito sa eskwela ngayong nalalapit na ang pagbubukas ng klase.
Sinabi pa ng DepEd na ang mga Alternative Learning System (ALS) learners ay maaari na ring magpatala sa mga barangay, community learning center, o sa pinakamalapit na pampublikong paaralan.
Anang ahensiya, magpapatuloy ang enrollment hanggang sa Agosto 26, 2023 habang magbubukas naman ang klase sa Agosto 29, Martes.