Naka-jackpot ang dalawang mangingisda mula sa Brooke's Point, Palawan, matapos umano silang makahuli ng isang dambuhalang isda na umaabot sa 200 kilo ang timbang.

“Pinakamalaking isdang nakita ko sa buong buhay ko. Approximately 200 kls,” saad ng uploader na si Mary Ann Caabay mula sa Barangay Maasin.

Sa eksklusibong panayam ng Balita, ibinahagi ni Caabay na ang kaniyang mga kabarangay na mangingisdang sina Loreto Eslomot at Isias Escalania ang nakahuli ng isdang tinawag nilang “kugtong” noong Biyernes, Agosto 18.

 “Idinaan po nila sa barangay [‘yung isda] kaya po nakunan ko ng picture bago po dinala sa palengke namin para ibenta," kuwento ni Caabay.

Kahayupan (Pets)

DSWD at PAWS, nagsanib-puwersa para sa 'Angel Pets' Program

Bagama’t hindi na nasabi kung magkano ang kanilang kinita, ibinahagi naman daw ng naturang mga mangingisda na nahuli nila ang kugtong sa dagat gamit ang kanilang kawil.

Ayon kay Caabay, madalas naman daw makahuli sa kanilang barangay ng malalaking isda, ngunit ngayon lamang umano sila nakakita ng ganoon kalaki.

“‘Yun po talaga ‘yung pinakamalaking isdang nakita ko sa buong buhay ko. Natakot ako and at the same time na-amaze kasi ‘di ko akalaing makakahuli ng ganoon kalaking isda ‘yung mga pangkaraniwang mangingisda sa amin,” saad pa niya.