Mainit na usap-usapan ngayon ang halos sunod-sunod na pagdedeklara ng ilang mga lugar sa bansa ng persona non grata laban sa drag queen na si Pura Luka Vega kaugnay ng kaniyang kontrobersyal na “Ama Namin” drag performance.

Ngunit, ano nga ba ang mangyayari sa isang tao kung siya ay idineklarang “persona non grata” sa isang lugar dito sa Pilipinas?

Base sa 2020 legal opinion ng Department of the Interior and Local Government (DILG), ang “persona non grata” ay galing sa salitang latin na nangangahulugang “an unwelcome person.”

Ngunit pagdating umano sa "domestic context" dito sa Pilipinas, kapag naglabas ng “resolusyon” ang mga lokal na pamahalaan para ideklarang “persona non grata” ang isang tao, nagsisilbi lamang itong deklarasyon ng “opinyon” o “sentimyento” ng lawmaking body hinggil sa naturang indibidwal.

National

FL Liza Araneta-Marcos, nanguna sa pagbubukas ng ilang atraksyon sa Intramuros

Kaugnay nito, hindi nangangahulugang kapag persona non grata na ang isang tao sa isang lungsod o probinsya dito sa Pilipinas, “barred” na siya at dapat nang paalisin o arestuhin kapag bumisita sa naturang lugar. 

“While it is true however that a local Sanggunian like you may pass a resolution declaring your sentiment and that would include declaring a certain person as persona non grata, the same must be done within the bounds of law,” anang DILG.

“That is, if such declaration is your way of expressing your sentiment, this is perfectly within your authority,” dagdag pa nito.

Samantala, ipinunto rin ng mga abogado sa isang artikulo na ang pagpigil sa isang taong maglakbay sa isang lugar sa Pilipinas nang walang “legal” na batayan ay paglabag sa kaniyang “right to travel” na nakasailalim sa 1987 Konstitusyon.

Ayon sa Artikulo III Seksyon 6 ng 1987 Konstitusyon, ginagarantiya ng batas ang “right to travel” ng bawat tao, maliban na lamang kapag lumabag ang isang indibidwal sa interes ng national security, public safety, o public health.

Samakatuwid, kahit naideklara nang persona non grata si Pura sa ilang mga lungsod o lalawigan dito sa Pilipinas, hindi siya maaaring direktang pigilan o arestuhin ng mga lokal na pamahalaan kapag pumasok siya sa kanilang teritoryo, maliban na lamang kung mayroong “legal” na batayan tulad na lamang kung mayroong “warrant of arrest” laban sa drag queen.