Bunsod ng regular na night time maintenance activities, hindi umano kakayanin ng Department of Transportation (DOTr)-Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) na magpatupad ng 24-oras na operasyon.

Ayon kay MRT-3 Director for Operations Engineer Oscar Bongon, hindi maaaring ipagpaliban o paikliin ng MRT-3 ang kanilang nighttime maintenance activities dahil napakahalaga nito upang matiyak na maayos ang mga riles at mga tren para na rin sa kaligtasan ng mga pasahero.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Ipinaliwanag pa ni Bongon na ang lahat ng train sets ng MRT-3 ay sumasailalim sa scheduled maintenance activities sa depot matapos ang huling biyahe nito sa gabi hanggang bago ang unang biyahe ng mga tren sa umaga.

Nabatid na kabilang sa nighttime maintenance ng mga tren ay inspeksiyon, paglilinis, trouble-shooting, paghuhugas, shunting o uncoupling, at iba pang preventive activities.

Dagdag pa ni Bongon, “Napaka-vital po nito kasi ito po 'yung ating linya, dito po tumatakbo 'yung mga tren natin. Ini-ensure natin na from the tracks to the signaling and then the power lahat po yan tsine-check natin para reliable ang ating operations at saka 'yung safety nai-ensure natin na walang aberya sa revenue period.”

Aniya, ang anumang pagkaantala sa time schedule ay makakaapekto sa iba pang bahagi ng rail system.

“Kailangan ma-ensure na nami-maintain kasi po pag hindi mami-maintain, slowly mag deteriorate 'yung system,” paliwanag pa ng MRT-3 official.

Aniya pa, ang extended hours ng operasyon ay hindi feasible para sa rail system dahil, “Tayo po, iisa lang ang linya natin so we really have to maintain it. 'Yun po ang kaibahan. Gaya sa Japan o Europe, marami silang linyang magkakasabay so pwedeng during nighttime na konti ang passenger demand, papatayin niya ang ibang linya at imaintain 'yun at salitan 'yun so they can operate 24 hours.”

Samantala, nabatid na sa kasalukuyan ay mayroon lamang na 24 three-car trains ang MRT-3 at plano nilang mag-operate ng four-car trains upang makapag-accommodate ng mas maraming pasahero.

Ani Bongon, “Kasama yan sa kontrata ng Sumitomo na 'pag natapos niya na 'yung expansion pwede na tayong mag-four-car train bago po matapos ang 2025."

Ang MRT-3 ay bumabagtas sa kahabaan ng EDSA mula North Avenue, Quezon hanggang Taft Avenue, Pasay City at pabalik.