Isinagawa ang finale grand media conference ng trending at patok na revenge-themed series na "Dirty Linen" ng Dreamscape Entertainment nitong Miyerkules, Agosto 16 ng hapon sa Studio 10 ng ABS-CBN.

Dinaluhan ang mediacon ng stellar cast at present ang dalawang direktor nitong sina Onat Diaz at Andoy Ranay. Lahat sila ay nagkaroon muna ng moment sa pagrampa sa red carpet bago nagtungo sa kani-kanilang upuan, na nasa entablado.

Game namang sinagot ng cast ang mga tanong sa kanila ng press, lalo na ang mga hindi nila malilimutang karanasan sa pakikipagtrabaho sa isa't isa.

Para kay Janine Gutierrez, surreal sa pakiramdam niya na parang kailan lamang ay nag-story conference pa lamang sila, subalit ngayon ay nasa finale week na sila.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Si Zanjoe naman, masayang-masaya dahil kahit aminadong hindi raw siya ang "pinakamahusay" na aktor sa Kapamilya Network, patuloy pa rin siyang pinagkakatiwalaang maging leading man. Kapansin-pansing tuloy-tuloy nga ang trabaho ni Z kahit noong pandemya pa.

Para naman sa mga beteranong aktor at aktres na sina John Arcilla, Janice De Belen, Joel Torre, Angel Aquino at Tessie Tomas, talagang bonggang-bongga ang serye dahil bukod sa husay ng mga artista ay napakaganda rin ng script nito. Sey pa nga ni Janice, ramdam na ramdam daw niya at talagang tumatagos pa sa mga dingding ang pagka-powerhouse cast nila. Palagay nga raw ni Janice ay mukhang hindi na mauulit na magkaroon ng ganitong ka-powerful cast sa serye.

Pero saloobin naman ni John, gusto niyang magkaroon ulit ng ganitong de-kalibreng serye dahil kung sinasabing ito raw ang standard ngayon sa paggawa ng isang proyekto, dapat daw itong maretain o kaya naman ay mahigitan.

Thankful naman ang mga bagets na sina Francine Diaz, Seth Fedelin, Xyriel Manabat, at Raven Rigor, isang malaking pribilehiyo na makatrabaho ang mga senior stars, na wika nga ni Seth, ay nagsilbing guro para sa kanila.

Grateful din sina Christian Bables, JC Santos, at Elisse Joson na ikinonsidera sila ng ABS-CBN upang mapasama sa ganitong klaseng proyekto na talaga namang lumevel up pagdating sa viewing habit ng mga Pinoy tuwing Primetime.

Hindi nakadalo sa nabanggit na mediacon ang aktres na si Jennica Garcia.

Na-late naman ng pagdating si Epy Quizon na galing pa sa Tagaytay dahil sa iba pang proyekto. Palakpakan ang lahat nang dumating na siya. Bida ni Janice, si Epy raw ang talagang nag-iinitiate sa kanila na magsama-sama, mag-bonding, at magsalo-salo sa pagkain.

Sa huling pitong gabi ng Dirty Linen, mas marami pa raw kaabang-abang sa nabanggit na serye kaya kailangan pa itong pakatutukan!