Nadagdagan umano ang mga kasong isinampa sa komedyanteng si Awra Briguela, kaugnay pa rin ng gulong kinasangkutan sa isang bar sa Poblacion, Makati City.
Ayon sa ulat ng ABS-CBN News, bukod sa physical injuries, direct assault, alarm and scandal, at disobedience to person in authority, kinasuhan pa si Awra ng grave coercion, light threats, at violation of the Safe Spaces Act.
"We are filing, in fact we already filed, three additional cases against Awra Briguela,” pahayag ni Atty. Nick Nangit sa ambush interview ng GMA, legal counsel ng complainant na si Mark Christian Ravana.
Dagdag pa ng abogado, "You know the CCTV, kumakalat ‘yan di ba, so hinahawak-hawak siya, so there’s a violation of the private space."
“And then the second, pinasarado niya ‘yung pintuan ng third floor, hindi pwedeng bumaba because hindi siya naghuhubad. So, that is already life threats. And then the third, nung hinila siya pabalik, nahulog sila pareho, grave coercion," pahayag pa ng abogado.
Matatandaang nakalaya sa pamamagitan ng piyansa si Awra matapos ipiit ng mg awtoridad kaugnay ng insidente.
Noong Agosto 9, muling nagbalik sa social media si Awra subalit nag-post lamang siya ng promotion para sa kanilang pelikula.
Wala pang tugon, reaksiyon, o pahayag ang kampo ni Awra tungkol dito.