Usap-usapan ang bonding moment ng isa sa mga executive ng TAPE, Inc. na si Seth Frederick Jalosjos o "Bullet" at Senador Mark Villar, na anak ng dating senador na si Manny Villar, na may-ari naman ng "ALLTV" network.
Ayon kasi sa ulat ng Bilyonaryo, bagama't wala namang detalye sa dahilan ng pagkikitang ito, kumakalat ang espekulasyong tila may namumuong deal sa dalawa.
Maging sa isang Facebook page na "Waz Up Pinas" ay ibinahagi rin ang kanilang litrato.
Posible raw kayang mapanood ang "Eat Bulaga" sa ALLTV?
Matatandaang walang noontime show ngayon ang ALLTV.
Ang "Wowowin" naman ni Willie Revillame ay napull-out na rito, at napipintong mapanood sa "PTV Network," state-owned TV station.
Tutal ay uso naman ang collaborations ngayon, gaya na lamang ng nangyari sa "It's Showtime" ng ABS-CBN na napapanood sa dati nitong karibal na GMA Network, sa GTV channel 11 nito.
Naging daan pa ito upang makapag-guest ang Kapuso stars sa nabanggit na Kapamilya show.
Pero puwede rin kasing nagkita ang dalawa dahil matagal na silang magkakilala. Sa katunayan, ang caption daw sa Instagram post ni Jalosjos ay "Happy Birthday Sen. Mark Villar." Ipinagdiwang ng senador ang kaniyang kaarawan noong Agosto 14.
Bukod kasi sa pagiging chief financial officer ng TAPE, Inc. alkalde rin si Bullet sa isang bayan sa Dapitan, Zamboanga del Norte.
Narito naman ang ilan sa mga reaksiyon at komento ng netizens hinggil dito, na makikita sa comment section ng ulat.
"Baka may iba business na pinag-uusapan..."
"Ang hina n'yo na nga sa GMA-7 lilipat kayo sa mahinang istasyon na mahina yung signal eh di lalo na kayong babagsak."
"Mukhang Showtime na ang ilalagay sa GMA 7 after contract sa Tape. It's good for Kapuso para mahatak rin ang mga solid Kapamilya manood ng GMA shows. Isipin mo, pino-promote sa Showtime kalaban din ng ibang ABS show na pinapalabas sa TV5."
Samantala, wala pang tugon, reaksiyon, kumpirmasyon o pahayag ang dalawang kampo tungkol dito. Bukas ang Balita para sa kanilang panig.
Well, abangan na lang ang mga susunod na kabanata!