Tila hinikayat ni Manay Lolit Solis ang publiko na ipagdasal ang dating mamamahayag at talk show host na si Jay Sonza na maging maayos pa ang buhay nito matapos makulong dahil sa umano’y kinakaharap na dalawang kaso laban sa kaniya.

“Para naman naawa ako kay Jay Sonza, Salve. Hindi ba nakakaawa na sa dati niyang kinalalagyan, ganyan ang magiging ending niya, sa kulungan,” saad ni Solis sa kaniyang Instagram post nitong Miyerkules, Agosto 16.

Jay Sonza nakakulong sa QC Jail dahil sa dalawang kaso

Sey pa niya, wala raw siyang puwedeng ireklamo kay Sonza dahil naging mabait daw ito sa kaniya. Sana raw ay matulungan ito ng mga dati nitong nakasama sa trabaho para maging maayos ang umano’y gusot na napasukan nito.

“Wala akong puwede ireklamo kay Jay Sonza dahil naging mabait siya sa akin nuon, sana naman matulungan siya ng mga dati niyang kasama at kaibigan na puwede tumulong para maayos ang anuman gusot na napasukan niya. Sayang talaga pag sa ganito lang mapupunta ang buhay mo. Lalo pa nga at ang ganda ng umpisa mo,” aniya.

Kaya hinikayat din ni Solis ang publiko na ipagdasal si Sonza na maging maayos pa ang buhay nito at kung puwede pa maibalik ang dati nitong career.

"Ipagdasal natin maayos pa ang buhay ni Jay Sonza at kung puwede pa mabalik sa naiwan niyang career. Sayang talaga, parang itinapon mo ang buhay mo na ang ganda na sana. Prayers na lang puwede natin gawin para sa kanya,” aniya.

Sa panayam ng ABS-CBN News kay Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) spokesperson Jayrex Bustinera, Martes, Agosto 15, kinumpirma niyang nakapiit ngayon si Jose Yumang Sonza o mas kilala bilang Jay Sonza, sa kasong estafa at syndicated and large scale illegal recruitment.

Sang-ayon pa rin sa ulat, bago umano mabilanggo sa QC Jail, kinumpirma ni National Bureau of Investigation (NBI) Asst. Director Glenn Ricarte na napunta sa kanilang kustodiya si Sonza matapos umanong pansamantalang ma-detain at arestuhin ng Bureau of Immigration (BI), dalawang linggo na ang nakalilipas.

Maki-Balita: Jay Sonza nakakulong sa QC Jail dahil sa dalawang kaso

Samantala, bukod kay Solis, isa rin sa mag-aalay ng dasal para kay Sonza ay ang showbiz columnist na si Ogie Diaz.

“Wa echos” o walang kaplastikan daw subalit naaawa raw si Ogie para sa mga anak at apo niya.

“Naawa ako bigla sa mga anak at apo niya. Wa echos,” ani Ogie sa kaniyang Facebook post.

“Parang kelan lang kung laitin ng taong ito ang mga di lang sumasang-ayon sa takbo ng pag-iisip niya. Grabe din niya akong laitin. Ang pangit ko daw. Bayaran daw ako. Pero sinasagot ko din siya. Di pwedeng manahimik, lalo na’t nilalait na ang pagkatao ko ni Mr. Sonza.

“Will pray for your inner peace, Mr. Sonza. Sana, malampasan mo ang mga pagsubok. Hindi ko sasabihing beh buti nga o deserve mo ‘yan. Mas gusto kong ipagdasal ang paghilom ng kanegahan sa puso mo. At sana ay magsilbing lesson ito sa tuluyan mong pagbabago.”

Maki-Balita: ‘Wa echos!’ Ogie Diaz ipagdarasal ang nakulong na si Jay Sonza

https://balita.net.ph/2023/08/15/wa-echos-ogie-diaz-ipagdarasal-ang-nakulong-na-si-jay-sonza/