Patay ang isang ginang nang mabagsakan ng mga yero at kahoy sa isang sunog na sumiklab sa kanilang tahanan sa Cainta, Rizal nitong Martes.

Walang basbas ang pamilya kaya’t hindi na muna pinangalanan ng Bureau of Fire Protection (BFP) ang nasawing biktima, gayundin ang tatlong tatlong nasugatan sa sunog, na kinabibilangan ng dalawang bata.

National

ITCZ, easterlies patuloy na nakaaapekto sa PH — PAGASA

Lumilitaw sa inisyal na ulat ng Rizal BFP na dakong alas-3:00 ng madaling araw nang maganap ang sunog sa tahanan ng mga biktima na matatagpuan sa Brookside Subdivision sa Brgy. San Isidro, sa Cainta.

Kasalukuyan umanong mahimbing na natutulog ang mga biktima nang bigla na lang sumiklab ang apoy.

Mabilis na kumalat ang sunog sa ikalawang palapag ng bahay hanggang sa tuluyan itong bumagsak.

Minalas naman umanong mabagsakan ng mga yero at kahoy ang ginang, na natutulog sa unang palapag ng tahanan.

Naapula ng mga pamatay sunog ang apoy dakong alas-3:45 ng madaling araw.

Umabot lamang sa unang alarma ang sunog na sinasabing posibleng nagsimula sa isang sinindihang kandila ngunit iniimbestigahan pa ito ng BFP.