341 huli sa Anti-Distracted Driving Act -- MMDA
Umabot na sa 341 motorista ang nahuli sa implementasyon ng Anti-Distracted Driving Act (ADDA) o paglabag sa Republic Act 10913 ngayong 2023.
Panawagan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa mga motorista, huwag nang tangkaing gumamit ng cellular phone habang nagmamaneho upang makaiwas sa aksidente.
Ang mga naturang motorista ay nahuli simula Enero hanggang Agosto 15, ayon sa MMDA.
Sa ilalim ng batas, ipinagbabawal sa mga motorista ang paggamit ng mobile phone at iba pang electronics device habang nagda-drive sa pampublikong lugar.
Sa unang paglabag, magmumulta ng ₱5,000 sinumang motorista, ₱10,000 sa ikalawang paglabag at ₱15,000 sa ikatlong paglabag, bukod pa ang suspensyon ng lisensya sa loob ng tatlong buwan.