LUCENA CITY, Quezon — Nakumpiska ng pulisya ang ₱3.9 halaga ng umano’y shabu at inaresto ang dalawang high-value individual noong Martes ng gabi, Agosto 15 sa Purok Damayan 1, Barangay Ibabang Iyam dito.
Kinilala ni Quezon police director Col. Ledon Monte ang mga suspek na sina Angelo Tongo at Judel Gutlay.
Nasamsam mula sa mga suspek ang 13 sachet ng pinaghihinalaang shabu na may timbang na 196 gramo na may halagang ₱3,998,400 at isang motorsiklo.
Nasa kustodiya na ngayon ng Lucena City police ang mga suspek at sasampahan ng kasong may kaugnayan sa paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
“Ang Quezon police ay patuloy na makikipag-ugnayan sa komunidad para maputol ang implikasyon ng ilegal na droga. Ang bawat resulta ng aming operasyon ay repleksyon ng aming malawak na kampanya para sa isang komunidad na ligtas, mapayapa, at malayo sa bahid ng anumang maling gawain,” ani Monte.