Nagbigay ng reaksiyon ang showbiz columnist na si Ogie Diaz hinggil sa balitang nakakulong ngayon sa Quezon City Jail ang dating mamamahayag-talk show host na si Jay Sonza, matapos harangin ng Bureau of Immigrations (BI) nang mapag-alamang may dalawang nakabinbing kaso siya.
"Wa echos" o walang kaplastikan daw subalit naaawa raw si Ogie para sa mga anak at apo niya.
"Naawa ako bigla sa mga anak at apo niya. Wa echos," ani Ogie sa kaniyang Facebook post.
"Parang kelan lang kung laitin ng taong ito ang mga di lang sumasang-ayon sa takbo ng pag-iisip niya. Grabe din niya akong laitin. Ang pangit ko daw. Bayaran daw ako. Pero sinasagot ko din siya. Di pwedeng manahimik, lalo na't nilalait na ang pagkatao ko ni Mr. Sonza."
Sa kabila raw ng mga naging panlalait sa kaniya ni Sonza ay ipagdarasal pa rin daw niya ang inner peace nito.
"Anyway..."
"Will pray for your inner peace, Mr. Sonza. Sana, malampasan mo ang mga pagsubok. Hindi ko sasabihing beh buti nga o deserve mo 'yan. Mas gusto kong ipagdasal ang paghilom ng kanegahan sa puso mo. At sana ay magsilbing lesson ito sa tuluyan mong pagbabago."
"Kahit matanda na po kayo, kaya pang magbago basta bukal sa puso ang acceptance, realization at ang sabi nga ng matatanda, tumanda nang may pinagkatandaan."
Iginiit din ni Ogie na huwag nang "ikabit" kay Kapuso news anchor Mel Tiangco si Sonza. Nagkasama ang dalawa sa "Mel and Jay" na programa ng dalawa noon sa ABS-CBN, at kalaunan ay naging "Partners Mel and Jay" sa GMA Network.
"Si Mel Tiangco naman po (ang alam ko) ay wala nang kaugnayan sa kaniya, kaya wag n'yo na pong idikit ang name ni Tita Mel sa kaniya," aniya.
Matatandaang nagkakabatuhan ng maaanghang na salita sa isa't isa sina Jay at Ogie, lalo na pagdating kay dating Vice President Atty. Leni Robredo.