Natanong ng press si 71st FAMAS Best Actress Nadine Lustre tungkol sa kaniyang masasabi sa napabalitang pagkakaaresto kay Jeffrey Oh, CEO ng "Careless Music" kamakailan lamang.
Matatandaang dating nasa Careless si Nadine subalit bumitiw na siya rito noong 2022 lamang.
Tumangging magbigay ng kahit na anong komento si Nadine tungkol sa isyu.
"I’d rather not talk about that just because I’m not involved in it anymore, so I don’t want to comment on that anymore," aniya.
"But of course Jeff is so... I’ve worked with him, too. It’s very unfortunate that this is happening,” dagdag pa niya.
Si Jeffrey Oh ay kasosyo sa negosyo ni James Reid, dating real-life at on-screen partner ni Nadine.
Matatandaang ibinuking ng showbiz columnist na si Cristy Fermin ang tungkol sa pagdakip ng mga awtoridad kay Oh, ayon na rin daw sa reklamo ng mismong tatay ni James.
Binembang ni Cristy si Oh dahil sa mga "itinuro" nito kay dating Kapamilya star Liza Soberano, na kamakailan lamang ay naging kontrobersyal dahil sa mga binitiwan niyang pahayag kaugnay ng kaniyang "rebranding."
“Ang lakas ng loob niya na pumunta rito sa Pilipinas at tuturuan si Liza ng kung ano-ano ang sasabihin nito sa kaniyang mga kapanayam, eh wala naman pala siyang karapatang mag-business dito dahil dayuhan siya,” aniya pa.
Sa August 8 episode naman ng "Cristy Ferminute" ay ipinakita ang video clip ng pagdakip kay Oh matapos itong untagin ng ilang tauhan ng Bureau of Immigration (BI).
Binasa ni Cristy ang isang pahayag mula kay BI Commissioner Norman Tansingco.
"Immigration agents arrested the 34-year-old American in Poblacion, Makati after reportedly engaging in gainful employment without the necessary work permit, in violation of Philippine immigration laws."
“A complaint lodged with the BI reported the American to have presented himself as the CEO of a Manila-based company, as well as the owner of several restaurants, without acquiring the necessary visas or permits."
"He will be facing a deportation charge and will remain in the BI’s facility in Bicutan, Taguig during the proceedings.”
Habang isinusulat ang balitang ito ay wala pang update tungkol dito.