Nakapagtala ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) ng 124 pagyanig sa Bulkang Mayon sa Albay sa nakalipas na 24 oras.

Sa tala ng Phivolcs nitong Martes, Agosto 15, kabilang sa nasabing 124 na pagyanig sa Mayon ang 82 volcanic tremor na may habang dalawa hanggang 27 minuto.

Bukod dito, nakapagtala rin umano ng 94 rockfall events ang bulkan, at nakita ang panandaliang pamamaga nito.

Namataan din naman ang mabagal na pagdaloy ng lava na may habang 2.8 kilometro sa Mi-isi Gully, 3.4 kilometro sa Bonga Gully, at 1.1 kilometro sa Basud Gully, maging ang pagguho ng lava hanggang 4 kilometro mula sa bunganga ng bulkan.

Eleksyon

Teddy Casiño, nakasama sina Heidi Mendoza, Luke Espiritu: ‘Maybe next time’

Samantala, naiulat din ng Phivolcs ang katamtamang pagsingaw at paglabas ng puting usok sa bunganga ng bulkan na umabot hanggang 1,500 metro ang taas bago tangayin ng hangin pakanluran at kanluran-timog-kanluran.

Nagbuga rin ng 868 tonelada ng sulfur dioxide ang bulkan nitong Lunes, Agosto 14.

Naobserbahan umano ang naturang pag-aalburoto ng bulkan dakong 5:00 ng madaling araw nitong Lunes, hanggang 5:00 ng madaling araw nitong Martes.

Ayon sa Phivolcs, maaaring maganap ang pagguho ng bato, pag-itsa ng mga tipak ng lava o bato, pag-agos ng lava, uson, katamtamang pagputok, at pag-agos ng lahar kung may matinding pag-ulan.

Kaya naman, mariing ipinagbabawal sa publiko ang pagpasok sa anim na kilometrong (6 km) radius Permanent Danger Zone maging ang pagpapalipad ng anumang sasakyang panghimpapawid sa ibabaw ng bulkan.

Nananatili pa rin sa Alert Level 3 (increased tendency towards a hazardous eruption) ang Bulkang Mayon.