Inihayag ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na posible pa ring makaranas ng mga kalat-kalat na pag-ulan sa ilang bahagi ng bansa ngayong Martes, Agosto 15, dahil sa patuloy na umiiral na southwest monsoon o habagat.
Sa tala ng PAGASA bandang 4:00 ng umaga, malaki ang tiyansang magkaroon ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms sa Palawan, Western Visayas, at Zamboanga Peninsula dulot ng habagat.
Maaari umanong magkaroon ng pagbaha o kaya nama’y pagguho ng lupa sa mga nasabing lugar dahil sa katamtaman hanggang sa malakas na pag-ulan.
Samantala, posibleng magkaroon ng bahagyang maulap hanggang sa maulap na may kasamang panandalian o biglaang pag-ulan, pagkidlat at pagkulot sa Metro Manila at mga natitirang bahagi ng bansa bunsod ng habagat o localized thunderstorms.
Pinag-iingat din ang mga residente rito sa posible umanong pagbaha o pagguho ng lupa tuwing magkakaroon ng malalakas na thunderstorms.
Sa ngayon ay wala naman umanong mino-monitor ang PAGASA na bagyo o low pressure area sa loob at labas ng Philippine area of responsibility, kaya’t maliit umano ang tiyansang magkaroon ng bagyo sa bansa sa susunod na dalawa o tatlong araw.