Umabot sa “danger” level ang heat index sa 14 lugar sa bansa nitong Martes, Agosto 15, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Sa tala ng PAGASA, nagkaroon ng mapanganib na heat index sa mga sumusunod na lugar:
- Baler, Aurora 45 (°C)
- Casiguran, Aurora 45 (°C)
- Tuguegarao City, Cagayan (43°C)
- Infanta, Quezon (43°C)
- Calapan, Oriental Mindoro (43°C)
- Catbalogan, Western Samar (43°C)
- NAIA, Pasay City (42°C)
- Dagupan City, Pangasinan (42°C)
- Aparri, Cagayan (42°C)
- Sangley Point, Cavite (42°C)
- Ambulong, Tanauan, Batangas (42°C)
- Daet, Camarines Norte (42°C)
- Virac, Catanduanes (42°C)
- Juban, Sorsogon (42°C).
Ang heat index ay ang pagsukat umano kung gaano kainit ang nararamdaman kapag ang “humidity” ay isinasama sa aktwal na temperatura ng hangin.
Ayon din sa PAGASA, maaaring malagay sa “danger” level ang mga heat index mula 42°C hanggang 51°C dahil posible rito ang “heat cramp” at “heat exhaustion”.
“Heat stroke is probable with continued activity,” saad pa ng PAGASA.
Matatandaang nito lamang Lunes, Agosto 14, naitala sa Casiguran, Aurora ang “extremely dangerous” heat index na 60°C.
MAKI-BALITA: Heat index sa Casiguran, Aurora, pumalo sa 60°C
Ayon sa PAGASA, maaaring malagay sa “extreme danger” level ang mga heat index na 52°C pataas dahil malaki umano ang tiyansa rito ng “heat stroke.”