Simula sa Lunes ay magpapatupad na ng pagtataas ng toll fee ang Manila-Cavite Toll Expressway Project (CAVITEX).
Sa inilabas na abiso ng CAVITEX, aprubado ng Toll Regulatory Board (TRB) ang taas-toll fee na sisimulan dakong alas-12:01 ng hatinggabi ng Agosto 21, 2023.
Ayon sa CAVITEX, batay sa provisional adjusted toll fee sa Parañaque Toll Plaza o R1 Expressway (Seaside to Zapote) ang mga Class 1 vehicles ay magkakaroon ng P2 dagdag sa bayarin o mula P33 ay magiging P35; P3 naman para sa Class 2 vehicles o mula sa P67 ay magiging P70, at P4 naman para sa Class 3 vehicles o mula P100 ay magiging P104.
Samantala, para naman sa Kawit Toll Plaza o R1 Expressway Extension (Zapote to Kawit), ang toll fee increase ay nasa P9 para sa Class 1 vehicles o mula P64 ay magiging P73; P17 para sa Class 2 vehicles o mula P129 ay magiging P146 at P25 para sa Class 3 vehicles o mula P194 hanggang P219.
Sinabi ng CAVITEX na ang toll rate adjustments ay bahagi ng Toll Operation Agreement (TOA) sa pagitan ng TRB, Cavitex Infrastructure Corporation (CIC), at Philippine Reclamation Authority (PRA), na nagpapahintulot para sa periodic adjustments kada ikatlong taon.
Anang CAVITEX, kinakailangan ang toll rate adjustments upang matiyak ang sustainability at maintenance ng expressway.
Plano umano nilang gamitin ang pondong makokolekta sa taas-toll fee para sa pagpapahusay ng expressway upang makapagbigay ng mas maayos at ligtas na biyahe para sa mga motorista.
Ang CAVITEX ay concessionaire ng Metro Pacific Tollways Corporation (MPTC).
Ito ay bumabagtas sa Coast of Manila at nagkokonekta sa Roxas Boulevard sa Cavite.