Tumulong sina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at Vice President at Department of Education (DepEd) Secretary Sara Duterte sa pag-inspeksyon at paglilinis ng paaralan sa Maynila nitong Lunes, Agosto 14, para sa Brigada Eskwela 2023.

Dumating umano ang Pangulo sa Victorino Mapa High School upang makilahok sa Brigada Eskwela 2023 kasama ang Bise Presidente.

Nagsagawa umano ang dalawang top officials ng inspeksyon sa mga pasilidad, nagpintura ng upuan ng mga estudyante, at nakipag-ugnayan din sa mga guro at kawani ng paaralan.

Sa kaniyang mensahe sa naturang aktibidad, binigyang-diin ni Marcos ang kahalagahan ng partisipasyon ng lahat sa pagtiyak na ang mga mag-aaral ay nasa mabuti umanong kalagayan sa eskwelahan.

National

₱1.3-M halaga ng high-grade marijuana, nasamsam ng BOC

“Nakita na naman natin kung gaano kahalaga, lalong-lalo na dito para sa Pilipinas na lahat pati 'yung mga magulang, ‘yung mga teacher, kung sino man mga volunteer pag-dating sa ating mga anak, sa mga bata ay talagang buo ang loob nating tumulong para gumanda naman ang kanilang experience dito sa pag-eskwela,” ani Marcos.

Sinabi rin ng Punong Ehekutibo na ang nalalapit na pasukan umano ang pagsisimula ng “normal” na estado ng pag-aaral mula nang nag-lockdown.

“Ito na ‘yung pinakaunang pasukan na medyo normal after the lockdown. Normal pero marami tayong pinalitan, marami tayong inayos na mga naging reklamo at iyon ang pinagtitiyagaan at pinaghihirapan ng ating DepEd Secretary at saka si Vice President Sara Duterte,” aniya.

Ngayong Lunes ang pagsisimula ng taunang Brigada Eskwela ng DepEd para sa School Year 2023-2024.

MAKI-BALITA: Brigada Eskwela ng DepEd, umarangkada na!

Nakatakda naman umanong magbukas ang klase sa mga pampublikong paaralan sa bansa sa darating na Agosto 29.

MAKI-BALITA: Klase sa public schools, magbubukas sa Agosto 29