Iginiit ni Philippine Amusement and Gaming Corporation (Pagcor) Chairman at CEO Alejandro Tengco sa mga kongresista nitong Lunes, Agosto 14, na tila “kawanggawa” at “mura” na umano ang ₱3 milyong inilaan para sa kontrobersyal na bagong logo ng ahensya.

Sa budget briefing ng Pagcor sa House Committee on Appropriations, tinanong ni Kabataan Party-list Rep. Raoul Manuel si Tengco kung ano ang mga “deliverable” ng graphic designer para bigyang-katwiran ang kanilang ₱3-million contract.

"Yung ₱3 million na ‘yun, at hindi ko po alam kung nakapagsaliksik, eh napakamura na po ‘yung ₱3 million na ‘yun. Ang totoo eh ‘yung designer po na ‘yun eh parang nagkawanggawa din na ₱3 million," sagot naman Tengo.

"When you rebrand, that means hindi lang po ‘yung logo specifically ang inyong gagawin. What are the deliverables? The graphic designer or the one that was awarded the design has to, one, be able to make sure that the implementation and use of the said logo will be properly done. May color palette po yan, may size, kasi papalitan po yung mga logo sa ating mga calling card, stationeries, envelopes," saad pa niya.

Eleksyon

Teddy Casiño, nakasama sina Heidi Mendoza, Luke Espiritu: ‘Maybe next time’

Bukod dito, sinabi ni Tengco na kailangan ding isaalang-alang ng taga-disenyo kung paano ilapat ang bagong logo sa 45 casino properties ng Pagcor na matatagpuan sa iba’t ibang dako ng bansa.

Kailangan din umano nitong pisikal na bisitahin ang mga establisyimento upang "sukatin" ang mga ito bago ilapat ang bagong logo ng Pagcor.

Binanggit din ng hepe ng Pagcor ang “color palette” na sinigurado umano ng taga-disenyo na nakaayos.

Samantala, iginiit naman ni Manuel kay Tengco na sa sitwasyon daw ng ibang ahensyang kumuha ng house graphic designers, maliit lamang umano ang nagastos para sa kanilang bagong logo.

"Yung mga top brand po, ilang dolyar lang ‘yung kanilang logo. Hindi umaabot ng $100 para gumawa sila ng bagong logo na ginagamit all over the world. Coca-Cola, Twitter, Nike," ani Manuel.

"Kaya po na tayo pa sa government ‘di ba na dapat nagtitipid tayo, we claim we don't have the fiscal space for other budget items pero para sa logo, mayroon ganun," saad pa niya.

Matatandaang isinapubliko ng Pagcor ang bago nitong logo noong Hulyo 11 sa kanilang ika-40 anibersaryo.

Agad naman itong naging usap-usapan, kung saan hindi natuwa ang ilang mga netizen dahil parang may pinaggayahan lamang daw ito.

MAKI-BALITA: Netizens, ‘di natutuwa sa bagong logo ng PAGCOR: ‘Parang gasolinahan, sungay ni satanas’