Viral ngayon ang Facebook post ng isang nanay mula sa Quezon City, matapos niyang ibahagi ang karanasan sa harap-harapang pagtatangkang "pagdukot" umano sa kaniyang anak na babae habang nasa loob ng isang mall sa nabanggit na lungsod.

Ayon sa post ni "Princess Dela Cruz Palma" noong Agosto 3, 2023, hindi siya makapaniwalang mararanasan niya ang pagtatangkang pagkuha umano ng isang estrangherong lalaki sa kaniyang anak, kahit na nasa harapan lamang niya ito, at nasa matao't pampublikong lugar sila.

Kuwento ni Princess, habang sila ay nakaupo at naghihintay sa pagdating ng kanilang inorder na pagkain sa isang kainan sa loob ng mall, isang estrangherong lalaki ang biglang lumapit sa kanila. Bigla na lamang nitong kinuha ang kamay ng kaniyang anak na babae at tila gustong isama.

"While waiting for our food to be served, Rhian is just standing in front of her seat.. Then someone approached her 'Kim! kim Tara! (trying to grab Rhian’s hand).'"

VP Sara, tahasang iginiit na hindi niya binoto si Romuadlez

"Napatayo ako at tinapik kamay n'ya sabay sabi n'ya 'Anak mo?'"

"I said 'OO!'"

Pagkasabi raw niya ng "Oo" ay tila walang nangyaring umalis ang lalaki. Dito na raw napagtanto ni Princess ang naudlot na pagdukot sa kaniyang anak.

"Then he just walked away unbothered like nothing happened like 'WHAAAATTT SOMEONE [ATTEMPTS] TO TAKE MY CHILD!'"

"Sobrang kaba ko di na ako makaupo.. Naghihintay ako may dumaan na guard para sabihan, Si Lan nasa kabilang Store bumibili ng food.."

Nang dumating daw ang kaniyang mister, agad silang nagtungo sa post ng security guards upang ireport ang insidente. Sa kasamaang-palad, hindi na nila nakita at naabutan ang estrangherong lalaki.

"So when he came sinabi ko agad sa kaniya what happened tapos sinundan nya at nireport sa Guard.."

"After 5 mins lumapit guard samin at lumabas na daw ang Lalaki."

Dahil sa mga nangyari, muli niyang binilinan ang mga anak na huwag na huwag sasama sa kahit na sinong estranghero, lalo na kung wala sila.

"Iba pala ang pakiramdam bilang magulang pag sayo na nangyare.. Nanginginig ako sa Kaba..Pagkatapos nun niremind ko ulit sila sa mga Stranger rules namin.. Kaya pala iba daw pakiramdam ni Lan habang bumibili sa sa kabilang store, may urge na gusto nya kami silipin..."

"Thank you kuya Guard na nag assist samin..."

Sa comment section ng FB post ng ina ay marami ring nagbigay ng testimonya tungkol sa kanilang karanasan. Hanggang ngayon, hindi pa rin tukoy kung ano ang pakay ng nabanggit na lalaki kung bakit bigla nitong nilapitan ang anak ni Princess, tinawag na "Kim" at tinangkang isama.

Sa eksklusibong panayam ng Balita, sinabi ni Princess na nais niyang malaman ng iba ang kaniyang karanasan upang magsilbing babala lalo na sa mga magulang na madalas ay nalilingat kapag namamasyal sa mall.

Kung nagagawa raw ito ng mga tao nang harap-harapan, paano raw ba kung walang kasama ang mga bata?

Samantala, wala pang tugon, reaksiyon, o pahayag ang mga pulisya sa Quezon City tungkol dito.

---

Nais mo bang mai-feature ang iyong storya o ‘di kaya mayroon kang larawan at video na gusto mong i-share? I-message mo lang kami sa aming Facebook at Twitter!