Pumalo sa 60°C ang heat index sa Casiguran, Aurora nitong Lunes, Agosto 14, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Sa tala ng PAGASA, ito na ang pang-apat sa sunud-sunod na araw kung saan nakaranas ang Casiguran ng extremely dangerous heat index.
Naitala umano sa nasabing lugar ang 53°C heat index noong Agosto 11 at 12, habang 59°C heat index naman kahapon, Agosto 13.
Ang heat index ay ang pagsukat umano kung gaano kainit ang nararamdaman kapag ang “humidity” ay isinasama sa aktwal na temperatura ng hangin.
Maari umanong malagay sa “extreme danger” level ang mga heat index na 52°C pataas dahil malaki umano ang tiyansa rito ng “heat stroke.”
Samantala, 16 mga lugar sa bansa umano ang nagkaroon ng ‘dangerous’ heat index nitong Sabado:
- Calapan, Oriental Mindoro (45°C)
- NAIA, Pasay City (43°C)
- Dagupan City, Pangasinan (43°C)
- Tuguegarao City, Cagayan (43°C)
- Baler, Aurora (43°C)
- Ambulong, Tanauan, Batangas (43°C)
- Alabat, Quezon (43°C)
- Daet, Camarines Norte (43°C)
- Virac, Catanduanes (43°C)
- Roxas City, Capiz (43°C)
- Calayan, Cagayan (42°C)
- Aparri, Cagayan (42°C)
- Iba, Zambales (42°C)
- CLSU Muñoz, Nueva Ecija (42°C)
- Sangley Point, Cavite (42°C)
- San Jose, Occidental Mindoro (42°C).
Ayon pa sa PAGASA, maaari umanong malagay sa “danger” level ang mga heat index na mula 42°C hanggang 51°C dahil posible rito ang “heat cramp” at “heat exhaustion”.
“Heat stroke is probable with continued activity,” saad pa ng PAGASA.