Nagsimula na nitong Lunes ang taunang Brigada Eskwela ng Department of Education (DepEd) para sa School Year 2023-2024.

Ang naturang week-long nationwide school maintenance program ay magtatagal mula Agosto 14 hanggang Agosto 19.

National

Mga nasawi dulot ng paputok, umakyat na sa apat — DOH

Ayon sa DepEd, isinasagawa ito bilang paghahanda sa pagbabalik-eskwela ng mga mag-aaral sa public schools sa Agosto 29.

Nabatid na ngayong taon, makakatuwang ng DepEd ang Office of the Vice President (OVP), na parehong pinamumunuan ni Vice President at DepEd Secretary Sara Duterte.

Kabilang sa mga makikilahok sa Brigada Eskwela ang mga satellite offices ng OVP sa Dagupan, Isabela, Region 5, Cebu, Bacolod, Tacloban, Davao, Surigao, Zamboanga, at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).

Kaugnay nito, sinabi ng DepEd na ititigil na rin nila ang contest para sa Brigada Eskwela upang maiwasan na ang pagso-solicit ng mga guro.

Tiniyak naman ni DepEd Spokesman Undersecretary Michael Poa na patuloy pa rin naman nilang bibigyan ng pagkilala ang kanilang mga partners ngunit wala nang ibibigay na award para sa paaralan at mga guro.

Bawal na rin aniya ang solicitation dahil ang Brigada Eskwela ay dapat na boluntaryo at bayanihan lamang.