12 riders na sumilong sa footbridge sa EDSA, hinuli ng MMDA
Nasa 12 riders ang hinuli ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) matapos sumilong sa mga footbridge sa EDSA nitong Lunes ng umaga.
Sa Facebook post ng MMDA, magkakasunod na sinita at pinagmulta ang mga nasabing rider habang sumisilong sa nasabing lugar sa gitna ng malakas na pag-ulan nitong Agosto 14 ng umaga.
Idinahilan ng MMDA, bukod sa nakasasagal sa daloy ng trapiko ay delikado rin ang kinagawiang ito ng mga nagmomotorsiklo, lalo kapag umuulan.
"Kapag umuulan, iwasang magkumpulan sa ilalim ng mga tulay at footbridges dahil maaari itong maging sanhi ng aksidente," anang MMDA.
Idinagdag pa ng ahensya, layunin lamang nilang ahensya na matiyak ang kaligtasan ng lahat ng motorista at maiwasan ang aksidente sa lansangan.