Magdadala ng pag-ulan at thunderstorms ang southwest monsoon o habagat sa ilang bahagi ng bansa ngayong Linggo, Agosto 13, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Sa tala ng PAGASA bandang 4:00 ng umaga, makararanas ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms sa Bicol Region, Visayas, Mindanao,at hilagang bahagi ng Palawan dulot ng habagat.
Maaari umanong magkaroon ng pagbaha o kaya nama’y pagguho ng lupa sa mga nasabing lugar dahil sa katamtaman hanggang sa malakas na pag-ulan.
Samantala, magiging medyo maulap hanggang sa maulap na may kasamang isolated rainshowers o thunderstorms sa Metro Manila at mga natitirang bahagi ng Luzon bunsod ng habagat o localized thunderstorms.
Pinag-iingat din ang mga residente rito sa posible umanong pagbaha o pagguho ng lupa tuwing magkakaroon ng malalakas na thunderstorms.