Binalaan ng pulisya ang publiko kaugnay ng pagkalat ng pekeng pera kasunod na rin ng pagkakaaresto ng isang dating miyembro ng Philippine Army (PA) sa Taguig kamakailan.
Kalaboso na ngayon si Kevin Jhon Soncio, 30, security guard, at nahaharap sa kasong illegal possession and use of false treasury or bank notes and other instruments of credit, usurpation of authority at falsification of public documents, ayon kay Southern Police District (SPD) chief, Brig. Gen. Roderick Mariano.
Sa paunang imbestigasyon ng pulisya, nagbayad ng ₱1,000 bill si Soncio sa bantay ng sari-sari store na binilhan niya ng sigarilyo nitong Agosto 11.
Matapos madiskubre ng tindero na peke ang ibinayad sa kanya, kaagad na nagpasaklolo sa Barangay Security Force na nagresulta sa pagkakaaresto ng suspek.
Nang arestuhin, nagpakilala pa ang suspek na isa siyang miyembro ng PA.
Gayunman, natuklasan ng pulisya na tinanggal na ito sa serbisyo at peke rin ang iniharap na government identification (ID) cards.
Nasa siyam na pekeng ₱1,000 bill ang nasamsam sa suspek.
“We urge the public to immediately report any person to the authorities using such bills in any transaction for appropriate action as the ‘er months’ or the peak shopping season draws near,” pahayag pa ni Mariano.