Patuloy na makararanas ng pag-ulan ang ilang bahagi ng bansa ngayong Sabado, Agosto 12, bunsod ng southwest monsoon o habagat, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Sa tala ng PAGASA bandang 4:00 ng umaga, makararanas ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms sa Visayas, Mindanao, Camarines Sur, Catanduanes, Albay, Sorsogon, Masbate, at hilagang bahagi ng Palawan dulot ng habagat.
Maaari umanong magkaroon ng pagbaha o kaya nama’y pagguho ng lupa sa mga nasabing lugar dahil sa katamtaman hanggang malakas na ulan.
Samantala, magiging medyo maulap hanggang sa maulap na may kasamang isolated rainshowers o thunderstorms sa Metro Manila at mga natitirang bahagi ng Luzon dahil sa habagat o localized thunderstorms.
Pinag-iingat din ang mga residente rito sa posible umanong pagbaha o pagguho ng lupa tuwing magkakaroon ng malalakas na thunderstorms.