Halos ₱2M illegal drugs, nasabat sa QC
Halos ₱2 milyong halaga ng umano'y shabu ang nasamsam sa magkakasunod na buy-bust operation sa Quezon City na ikinaaresto ng 17 drug pushers.
Nitong Huwebes, dinampot ng mga tauhan ng Novaliches Police Station ang drug pusher na si Abdul Mamantar, 53, taga-Brgy. Punturin, Valenzuela City.
Huli sa akto si Mamantar nang bentahan nito ng shabu na nagkakahalaga ng P100,000 ang isang police poseur buyer sa panulukan ng Villanova Avenue at Gen. Luis sa Barangay Nagkaisang Nayon, Novaliches nitong Agosto 10.
Nakumpiska rin ng pulisya sa kanya ang P1,360,000 halaga ng shabu, isang cellular phone at buy-bust money.
Nitong Agosto 12, dinakma naman ng mga tauhan ng Anonas Police Station sina Teresita Bayle, Noemi Uy, Androl Makabenta, at Tess Bayle batay na rin sa sumbong ng isang concerned citizen dahil sa sinasabing pagkakadawit ng mga ito sa illegal drug activities.
Dakong 4:00 ng madaling araw ng Sabado, dinakip din ang apat pang suspek sa Area Zigzag, Kaingin 2, Brgy. Pansol, Quezon City matapos silang masamsaman ng P476,000 halaga ng shabu.
Labing-dalawa pang drug suspect ang nalambat ng pulisya sa Brgy. Masambong, Novaliches, Fairview, Batasan, at Payatas matapos silang masamsaman ng P119,000 halaga ng shabu.
Inihahanda na ang kaso laban sa mga suspek, ayon pa sa pulisya.
Hannah Nicol