Kinalampag ng social media personality na si Rendon Labador ang Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) dahil sa umano’y pagmumura ng E.A.T host na si Wally Bayola sa national TV nitong Huwebes, Agosto 10.
Sa isang Facebook post ni Rendon, ibinahagi niya ang isang video clip na nagpapakitang nagmura umano si Wally sa “Sugod Bahay” segment ng E.A.T.
Mapapanood sa naturang clip na nagmura umano ng “p*t*ngin*” ang host.
“Patulog tulog nanaman ang MTRCB sa pansitan,” paunang pahayag ni Rendon sa nasabing post.
Pinatutsadahan niya ang ahensya sa pamamagitan ng pagbibigay ng feedback.
“Pasensya na sa buong ahensya ng MTRCB pero ang feedback ko sa inyo ay patanga tanga kayong lahat. Ang kukupad at ang babagal ninyo! Kung hindi ninyo kaya magampanan ang mga trabaho ninyo, mag si-resign nalang kayong lahat,” patutsada ni Rendon.
Sa comment section, hindi pa rin nagpaawat ang social media personality.
“MTRCB okay lang ba ang pag mumura sa panahon ngayon? Sabihin ninyo lang para updated ako. Para pwede ko din kayong pag mumurahin diyan lahat!” dagdag pa niya.
Samantala, sinubukan ng Balita na panoorin sa ">YouTube at Facebook page ng TVJ ang naturang parte ng umano’y pagmumura ni Wally ngunit hindi namin ito nakita.
Habang isinusulat ito, wala pang pahayag ang MTRCB hinggil sa umano’y pagmumura ni Wally at kung totoo bang nangyari ito.
Katunayan hindi ito ang unang beses na kinalampag ni Rendon ang MTRCB at ang E.A.T.
Nauna niyang sinita ang ahensya matapos ang naging lambingan ng celebrity couple na sina Vice Ganda at Ion Perez, sa “Isip Bata” segment ng “It’s Showtime” noong Hulyo 25, 2023.
“May MTRCB pa ba? Nag-eexist pa ba sila? Galaw galaw mga boss!!!” ani Rendon sa comment section mismo ng kaniyang Facebook post kung saan na-call out niya ang dalawa.
Maki-Balita: MTRCB sinita ni Labador: ‘Nag-eexist pa ba sila? Galaw-galaw mga boss!!!’
Kasunod naman nito ang paghalik nang matagal ni dating senate president Tito Sotto III sa kaniyang misis na si Helen Gamboa na naging dahilan kung bakit hinamon ni Rendon ang MTRCB chair na si Lala Sotto.
Maki-Balita: Matapos sina Vice at Ion: Rendon sinita lambingan nina Tito-Helen sa TV
Ani Rendon, “TATAY MO O KAPAKANAN NG PILIPINAS??? MTRCB Chair Lala Sotto!!! Kaya mo din bang ipatawag ang tatay mo para i-tama ang mali? TVJ akala ko ba wholesome kayo? Ano ba nangyayari sa mga noontime shows natin ngayon at puro na kabastusan??? Noong 2016 pinatawag ka ng MTRCB, Hindi ka pa rin natuto.”
Si Lala Sotto ay anak nina Titosen at Helen.
Maki-Balita: MTRCB Chair Lala Sotto hinamon ni Labador: ‘Tatay mo o kapakanan ng Pilipinas?’