Humingi ng paumanhin ang TV host-comedian na si Wally Bayola hinggil sa umano’y pagmumura niya nang live sa E.A.T. nitong Huwebes, Agosto 10.
Ngayong Biyernes, Agosto 11, bago magbigay ng papremyo sa “Sugod Bahay” segment, humingi ng paumanhin si Wally sa kaniyang nasabi.
Ngunit bago ito, pinangunahan muna ng E.A.T co-host na si Jose Manalo ang pag-address sa isyu ni Wally.
“Bago tayo magbigay ng papremyo sa mga dabarkads natin dito. Para ipagpatuloy natin ‘yung mga programa natin na inilalaan sa ating mga nasasakupan, may mahalagang bagay lamang akong sasabihin sa inyo,” paunang sabi ni Jose.
“Kasi po marami po akong narinig o marami akong nabasa online at marami rin pong tumawag sa akin tungkol dito… mayroon po tayong ganitong bagay bagama’t hindi naman po namin ito sinasadya pero kinakailangan po natin itong ayusin.
“Kaya naman nandito po kami ngayon para ituwid po natin ‘yung nagawang hindi nagustuhan o narinig ng bawat isa sa atin kaya dapat po tayo nakikinig at hindi lang ‘yan, nagpapakumbaba po—‘yan ang pinakaimportante ‘yung magpakumbaba po tayo. Bagamat hindi naman natin sinasadya ang mga bagay na ‘to.
“‘Yung kasama nating ‘dabarguard,’ nakapagsalita na hindi rin naman niya ito sinasadya kaya aayusin po natin ito,” ayon pa sa kaniya.
“Kailangan po kasi natin ayusin ‘yung mga ganitong bagay. Hindi po natin puwede palagpasin kasi ‘di po natin dapat konsintihin kung sinasadya o hindi man. Kailangan po natin ayusin ito,” paliwanag pa ni Jose at saka hinayaang magsalita si Wally.
Saad ni Wally, “Ako po ay may nabitawang salita na hindi ko po dapat sinasabi. Nagkamali po ako doon at ako po ay humihingi ng inyong paumanhin at pag-unawa ninyong lahat. Pasensya na po, pasensya na po sa lahat.”
Pangako naman ni Jose sa mga dabarkads na hindi na mauulit ang nangyari.
“Mas maganda ‘yung ganoon hindi tayo nagmamatigasan, hindi kailangan na ‘wala hindi ko sadya, hindi ko mali’ pero ang importante ‘yung humingi tayo ng kapatawaran. Muli po, nandito po kami para humingi ng dispensa sa inyo at makakaasa po kayo na hindi na po mauulit ang mga bagay na ito,” pagtatapos ni Jose.
Samantala, pinasalamatan ni Vic Sotto sina Jose at Wally sa kanilang paghingi ng paumanhin sa publiko.
“Ang mahalaga kapag alam nating nagkamali, dapat itinatama natin. Ganoon lang,” saad ni Vic.
Kaugnay na Balita: