Magpapaulan ang low pressure area (LPA) at southwest monsoon o habagat sa ilang bahagi ng bansa ngayong Biyernes, Agosto 11, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).

Sa tala ng PAGASA bandang 4:00 ng umaga, nabuo ang LPA sa loob ng PAR nitong Huwebes, Agosto 10.

Huli umano itong namataan kaninang 3:00 ng madaling araw sa 310 kilometro ang layo sa silangan ng Borongan City, Eastern Samar, at posible na ring malusaw ngayong araw o bukas, Sabado, Agosto 12.

Dahil sa LPA at habagat, ayon sa PAGASA, makararanas ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms sa Visayas, Mindanao, Catanduanes, Sorsogon, Albay, Masbate, at hilagang bahagi ng Palawan.

National

Ogie Diaz, pinalagan sinabi ni Greco Belgica na hayaan mga 'tunay na lalaki' sa gobyerno

Maaari umanong magkaroon ng pagbaha o kaya nama’y pagguho ng lupa sa mga nasabing lugar dahil sa katamtaman hanggang malakas na ulan.

Samantala, magiging medyo maulap hanggang sa maulap na may kasamang isolated rainshowers o thunderstorms sa Metro Manila at mga natitirang bahagi ng bansa dahil sa habagat o ng localized thunderstorms.

Pinag-iingat din ang mga residente rito sa posible umanong pagbaha o pagguho ng lupa tuwing magkakaroon ng malalakas na thunderstorms.