Kinumpirma ni Manila Mayor Honey Lacuna nitong Biyernes na nakatanggap na ang City of Manila ng impormasyon mula sa Philippine Reclamation Authority (PRA) na sinususpinde ang lahat ng reclamation activities sa Manila Bay.

Alinsunod na rin ito sa kautusan ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr., sa pamamagitan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR).

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Kasabay nito, tiniyak din naman ng alkalde na nirerespeto nila ang desisyon ng pangulo sa isyung ito.

“We respect the decision of the President, through the DENR, on the matter,” dagdag pa ni Lacuna, sa isang pahayag na inilabas ng kanyang tagapagsalita na si Atty. Princess Abante.

Matatandaang ang anunsyo ng DENR ay kaugnay ng mga nakitang problema ni Pangulong Marcos, Jr., kaya naman nauna na itong nag-utos nitong unang bahagi ng linggo ng suspensyon sa lahat ng Manila Bay reclamation projects maliban sa isa, habang ang iba ay nire-review pa ng DENR.

"Nakasuspinde lahat... under review ang lahat ng reclamation. 'Yung isa lang ang natuloy dahil na-review na. Maraming problema, marami kaming nakitang hindi masyadong maganda ang patakbo,… But anyway, isa pang malaking problema na kailangan ayusin 'yan. Kasi kung matuloy lahat 'yan, maraming ilog mababara," anang pangulo sa isang situation briefing sa Bulacan noong Lunes.

Nagpahayag din ng pagkabahala ang pangulo na maaaring mawala ang tubig dagat sa Roxas Boulevard dahil sa reclamation projects.

Nabatid naman sa PRA na may 22 reclamation projects na nakalinya sa Manila Bay kung saan 6,700 hektarya ng lawak ng tubig ang inaasahang ire-reclaimed.

Nitong Huwebes, sinabi ni DENR Secretary Antonia Yulo-Loyzaga na ang mga reclamation projects sa Manila Bay ay under review at...“the declaration is really that all of these projects are suspended at this point. So, all are under review, we have to take our time, really beginning with those that are ongoing.”