Nangako si Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benjamin "Benhur" Abalos Jr. ng hustisya sa pamilya ng 17-anyos na binatilyong si Jerhode Jemboy Baltazar na napatay ng mga pulis matapos umanong mapagkamalang suspek sa Navotas City.

Sa isang pahayag nitong Biyernes, Agosto 11, sinabi ni Abalo na naisampa na ang administrative at criminal cases laban sa mga pulis na sangkot sa insidente.

“The PNP (Philippine National Police) acted swiftly in this incident. Nakakulong na ang mga pulis na sangkot at gumugulong na ang imbestigasyon,” pahayag ni Abalos.

Nanawagan din si Abalos sa pamunuan ng PNP na balikan ang kanilang operational procedure sa police operations upang maiwasan umanong maulit ang insidente at matukoy ang pananagutan ng mga pulis batay sa chain of command.

National

Akbayan, kinondena isiniwalat ni SP Chiz na pagkatapos ng SONA lilitisin impeachment vs VP Sara

“Magkakaroon kami ng meeting with the PNP leadership at pag-uusapan namin kung anong dapat gawin dito. We will revisit all of their modes of procedure at ‘yung tinatawag na command responsibility, kung up to what level para hindi na maulit ito,” ani Abalos.

Binisita rin ng DILG secretary ang lamay ni Baltazar upang personal umanong ipaabot ang kaniyang pakikiramay sa pamilya at mga kaanak.

“Patuloy po nating ipanalangin ang nasawing biktima at ang kapanatagan ng kaniyang pamilya,” saad ni Abalos.

Matatandaang Agosto 2 nang pinagbabaril umano ng mga pulis ng Navotas City Police si Baltazar sa Brgy. Kaunlaran habang inaayos nito ang gagamiting bangka sa pangingisda kasama ang kaniyang kaibigan.

Noong mga oras na iyon, may tinutugis umano ang mga pulis na isang suspek, na batay sa impormasyong kanilang natanggap, ay nasa isa raw bangka sa nasabing barangay.

MAKI-BALITA: 17-anyos na binatilyo napagkamalang suspek, napatay ng PNP