Sinampahan ng kaso sa Caloocan City Regional Trial Court (RTC) ang dalawang opisyal ng isang kumpanya dahil umano sa illegal na pagwi-withdraw ng ₱159 milyon sa pondo ng kanilang kumpanya noong 2020.

Kabilang sa kinasuhan ng Qualified Theft sina Ramon Chua, chief executive officer at presidente ng Chua Tee and Company, Inc. at Felimon Dexter Chua, chief operations officer (COO) at general manager ng nasabi ring kumpanya.

Ang kaso ay iniharap sa hukuman nitong Hulyo 6, 2023.

Nag-ugat ang usapin nang magreklamo ang isa sa Board of Director ng kumpanya na si Betty Ong na nagsasabing nakapag-withdraw umano ng pera ang dalawang opisyal sa kabila ng kawalan ng Board Resolution o Stockholders' Resolution ng naturang kumpanya.

Metro

Marikina LGU: Ulat na dinukot ang 4 na menor de edad sa lungsod, fake news!

Ang mga transaksyon ay naganap noong Disyembre 23, 2020 kung saan na-withdraw umano ang ₱75 milyon sa account ng kumpanya sa BDO Unibank-Gen. Luis branch; ₱24 milyon din ang na-withdraw sa kapareho ring petsa sa Metrobank-Grace Park branch; ₱30 milyon mula sa BDO noong Disyembre 29, 2020 at ₱30 milyon mula sa Metrobank noong Enero 4, 2021.

Matatandaang Mayo 8, 2023, naglabas ng resolusyon ng kaso si Caloocan City Assistant Prosecutor Marni Rose Zatarain na inaprubahan ni City Prosecutor Ferdinand Valbuena, kung saan inirekomendang kasuhan ng 4 counts ng Qualified Theft sina Ramon Chua at Felimon Dexter Chua.

Kabilang din sa inireklamo ni Ong ang mga kasamahan na sina Ivee Lyn Chua, Aileen Chua at Marian Go. Gayunman, hindi na ito pinakakasuhan ng piskalya dahil sa kawalan ng sapat na ebidensya.