Dumagdag sa listahan ng mga lugar na nagdeklarang "persona non grata" ang City of Manila laban sa drag queen na si Pura Luka Vega o Amadeus Fernando Pagente nitong Miyerkules, Agosto 9.

Inaprubahan umano ang resolusyon ng Manila City Council noong Martes, Agosto 8, na inakda ni Fifth District Councilor Ricardo "Boy" Isip.

Kaugnay pa rin ito ng kaniyang viral video kung saan makikita sa isinagawa niyang drag art performance ang paggaya kay Hesukristo habang sumasayaw sa saliw ng "Ama Namin" remix.

“Ito pong taong ito ay walang habas at di man lang pinag-isipan ang kaniyang ginawa… Isang kalapastangan po ang kaniyang ginawang palabas. Hindi po dapat itong palagpasin kasi pag pinalagpas natin ito, baka maparisan po ito. Kailangan na po nating gumawa ng aksyon," aniya.

Pura Luka Vega idineklarang persona non grata sa isang bayan sa Negros Occidental

Sumang-ayon naman ang ilan pang miyembro ng council tungkol sa kanilang resolusyon laban kay Vega.

Nauna nang nagdeklara ng pagka-persona non grata kay Vega ang General Santos City sa South Cotabato, Floridablanca sa Pampanga, at Toboso sa Negros Occidental.

Bukod sa Maynila, kaka-deklarang persona non grata na rin ng lalawigan ng Bukidnon sa drag queen.

Kapag ang isang tao ay persona non grata, nangangahulugang hindi siya welcome sa nabanggit na lugar, bagama't walang nakasaad sa batas na hindi maaari siyang dakpin o arestuhin kapag pumasok siya sa mga lugar na ito.

https://balita.net.ph/2023/07/22/pura-luka-vega-persona-non-grata-sa-gensan/