Nagpamahagi si Manila Mayor Honey Lacuna ng tig-₱10K tulong pinansiyal sa daan-daang pamilyang nasunugan sa Port Area, Manila kamakailan.

Sa nasabing aktibidad, nanawagan din si Lacuna sa mga biktima ng sunog na unahin ang kanilang sariling buhay, gayundin ang kanilang mahal sa buhay sa halip na ang kanilang mga kagamitan.

Eleksyon

Luis Manzano natalo, pero 'panalo' pa rin daw dahil sa mga Batangueño

Ayon kay Lacuna, madaling palitan ang mga kagamitan ngunit ang buhay ay hindi.

Pinaalalahanan din ng alkalde ang mga  residente na maging maingat sa mga bagay na maaring maging dahilan ng sunog tulad ng napabayaang appliances o nakasinding kandila.

"Walang may kagustuhan na tayo ay masunugan pero katulad ng lahat ng Pilipino, tayong mga Manilenyo ay babangon at babangon, anumang sakuna ang mangyari sa atin at ang inyong pamahalaan ay inyong kaagapay upang makabangon muli," paninigurado ng alkalde.

Idinagdag din niya na, "Pipilitin naming kayo ay matulungan pa sa mga susunod na araw."

Samantala, ayon naman kay Manila Department of Social Welfare chief Re Fugoso, nasa 375 pamilya at 14 unattached individuals ang tumanggap ng tig- ₱10,000 cash.

Sinabi ni Fugoso na ang nasabing halaga ay inaasahan nilang makakatulong sa mga naapektuhang pamilya para makapagsimulang muli.

Unang linggo ng Agosto nang lamunin ng apoy ang 60 kabahayan sa Tamburong, Barangay 650, Port Area, Manila.

Tumagal ng limang oras ang sunog bago tuluyang naapula