Hindi kasama sa kasong syndicated estafa ang Kapamilya TV host na si Luis Manzano na isinampa laban sa "Flex Fuel Corporation" ng inventors na nahikayat na mamuhunan sa nabanggit na kompanya.
Batay sa ulat ng "TV Patrol" noong MIyerkules, Agosto 9, ang flagship newscast ng ABS-CBN, pormal nang kinasuhan ang presidente at pamunuan ng nabanggit na petroleum company, sa pangunguna ng National Bureau of Investigation o NBI.
Isinampa ng NBI ang reklamo laban sa presidente nitong si Ildefonso C. Medel, Jr. o kilala sa tawag na "Bong" gayundin sa 11 opisyal ng kompanya, sa Taguig Prosecutor’s Office.
Ayon pa sa NBI, hindi napabilang si Luis sa nasampahan ng kaso kahit isa ito sa incorporators ng kompanya dahil nagbitiw na ito sa tungkulin at wala nang kaugnayan sa Flex Fuel noong 2021.
Noong 2021 umano nag-invest sa kompanya ang ilan sa mga nagreklamo.
Sa katunayan, isa rin si Luis sa mga nagrereklamo laban sa Flex Fuel dahil nawalang parang bula ang kaniyang ininvest dito na umabot sa ₱66M.
Saad naman sa ulat ng PEP, nagbubunyi umano ang kampo ni Luis dahil sa positibong resultang ito.
Nagbigay rin ng pahayag ang spokesperson ni Luis na si Atty. Regidor Caringal kaugnay nito.
“We thank the National Bureau of Investigation for working to obtain justice for investors like our client, Luis Philippe ‘Lucky’ S. Manzano, who appealed to law enforcement authorities to investigate the operations of Flex Fuel Petroleum Corporation."
“He shares his co-investors’ hope for a quick resolution to this matter, and he remains committed to helping efforts to recover the funds that they invested in the company," dagdag pa.