Uulanin ang ilang bahagi ng bansa ngayong Huwebes, Agosto 10, bunsod ng southwest monsoon o habagat, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Sa tala ng PAGASA bandang 4:00 ng umaga, makararanas ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms sa Western Visayas, Zamboanga Peninsula, BARMM, SOCCSKSARGEN, Occidental Mindoro, hilagang bahagi ng Palawan, at Lanao del Norte dulot ng habagat.
Maaari umanong magkaroon ng pagbaha o kaya nama’y pagguho ng lupa sa mga nasabing lugar dahil sa katamtaman hanggang malakas na ulan.
Samantala, magiging medyo maulap hanggang sa maulap na may kasamang isolated rainshowers o thunderstorms sa Metro Manila at mga natitirang bahagi ng bansa dahil sa habagat o sa localized thunderstorms.
Pinag-iingat din ang mga residente rito sa posible umanong pagbaha o pagguho ng lupa tuwing magkakaroon ng malalakas na thunderstorms.
Patuloy pa rin namang binabantayan ng PAGASA ang bagyong may international name na “Lan” sa labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR).
Ayon sa PAGASA, huling namataan ang Severe Tropical Storm Lan 2,730 kilometro ang layo sa east northeast ng extreme Northern Luzon, taglay ang maximum sustained winds na aabot sa 110 kilometers per hour malapit sa sentro at pagbugsong aabot sa 135 kilometers per hour.
Kumikilos umano ito pakanluran sa bilis na 15 kilometers per hour.
Dahil malayo umano ang bagyo sa kalupaan ng bansa, wala itong direktang epekto at hindi rin inaasahang palalakasin nito ang habagat.