Binasag na ng Nigerian content creator at bagong Dabarkads host na si Daniel Oke alyas "Zombie Tugue" ang kaniyang katahimikan hinggil sa ipinupukol na "racist joke" umano ni Jose Manalo sa kaniya, sa isang episode ng noontime show na "E.A.T."
Sa kumalat na video clip online, mapapanood na bumanat kasi ng hirit si Jose tungkol sa co-host nilang si Zombie.
"Kapag napanalunan mo sa Bingo 'to 'yan ang tinatawag na 'Black-out,'" ani Jose.
Biglang segway naman si Vic Sotto, "Kumusta ang barangay?"
Ngunit napansin ng mga netizen ang facial expression daw nina Paolo Ballesteros at Miles Ocampo na nasa studio ng TV5 nang mga sandaling iyon, na tila nabagabag sa naging biro ng kasamahang si Jose. Napasuklay pa nga ng buhok si Miles.
"Huy!" sambit ni Paolo.
Pati si Allan K ay makikitang napa-"Huy!" batay sa buka ng kaniyang bibig.
Si Joey naman, nahagip din ang facial expression, at tila seryoso lamang ito at hindi na naki-join sa biruan.
Kinalampag ng ilang netizen ang "Movie and Television Review and Classification Board" o MTRCB Chair Lala Sotto-Antonio tungkol dito, lalo't nasa kainitan din ng pagpapatawag sa "It's Showtime" hosts-partners na sina Vice Ganda at Ion Perez, gayundin sa isyu naman ng hindi raw niya pagkuha sa atensyon ng lambingan ng mga magulang na sina Tito Sotto III at Helen Gamboa.
Sa inilabas na Facebook Live ni Zombie, sinabi nitong mismong siya ay hindi naman nakaramdam ng pagka-offend sa naging hirit sa kaniya ni Jose.
Wala raw siyang naramdamang mali sa nasabi ni Jose tungkol sa kaniya. Good vibes lang daw sila at ang nais lang daw nila ay magpasaya ng kanilang mga manonood.
"I did not feel or hear anything bad... good vibes lang kami, or kaming dalawa... Hindi ko napansin na may sinabing mali... walang mali... paglilinaw ni Zombie.
Si Zombie Tugue ang latest addition sa Dabarkads host simula nang umere sila sa TV5. Siya ay isang Nigerian na nagtungo sa Pilipinas para mag-aral ng kursong Nursing.