Nananawagan si Manila Mayor Honey Lacuna sa lahat ng residente ng Maynila na ayusin ang pagtatapon ng basura at tulungan ang pamahalaang lungsod sa kampanya nito na mapanatiling malinis ang lungsod at maiwasan ang pagbaha.
Sa kanyang personal na apela, sinabi ni Lacuna na hindi pa tapos ang tag-ulan hanggang sa katapusan ng taon, kung kaya't ang walang pakundangang pagtatapon ng mga basura ay lumilikha ng pagbara sa mga daluyan ng tubig at nagreresulta ng pagbaha.
Labis ding ikinalulungkot ng alkalde ma ang mga kawani ng Department of Public Services (DPS) ay gumugugol ng matagal na oras sa paglilinis ng mga basurang itinapon sa maling lugar.
Pinaalalahanan din ng alkalde ang mga residente hinggil sa umiiral na ordinansa at programang ‘tapat ko, linis ko’ ng lokal na pamahalaan.
Sa ilalim ng programa, inoobliga ang bawat tahanan na panatilihing malinis ang kanilang kapaligiran, lalo na ng kanilang harapan.
Pinaalala rin ni Lacuna ang kahalagahan ng malinis na kapaligiran upang makaiwas sa mga sakit na dulot ng maruming paligid kabilang na ang mga hindi umaagos na tubig na nagiging itlugan ng mga lamok.
Matatandaan na upang mapaigting ang kampanya sa kalinisan ay naglabas ang lady mayor ng Executive Order No. 6 na nagtatakda sa bawat Biyernes ng isang linggo bilang ‘cleanup day’ sa loob at labas ng City Hall, barangays at mga residential areas.
Binigyang-diin din ng alkalde ang kahalagahan ng kalinisan ng kapaligiran dahil nag-aanyaya ito ng mga turista at investors na nangangahulugan ng progreso sa lungsod at sa mga naninirahan dito.
Samantala, pinaalalahanan ni Lacuna ang mga residente tungkol sa implementasyon ng waste segregation system at scheduling ng garbage collection sa lungsod at sinabi nito na, ang tagumpay nito ay nakasalalay sa buong pakikipagtulungan at suporta ng mga residente.
Nanawagan din si Lacuna sa lahat ng Manilenyo na isapuso ang matandang kasabihan na “cleanliness is next to godliness” upang mapanatiling malinis ang lungsod sa lahat ng oras.