Nakapagtala ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) ng 241 pagyanig sa Bulkang Mayon sa Albay sa nakalipas na 24 oras.

Sa tala ng Phivolcs nitong Martes, Agosto 8, kabilang sa nasabing 241 na pagyanig sa Mayon ang 197 volcanic tremor na may habang isa hanggang 13 minuto.

Bukod dito, nagkaroon din umano ng dalawang Pyroclastic Density Current at 68 rockfall events ang bulkan.

Namataan din ang mabagal na pagdaloy ng lava na may habang 2.8 kilometro sa Mi-isi Gully, 3.4 kilometro sa Bonga Gully, at 600 metro sa Basud Gully, maging ang pagguho ng lava hanggang 4 kilometro mula sa crater ng bulkan.

Eleksyon

Teddy Casiño, nakasama sina Heidi Mendoza, Luke Espiritu: ‘Maybe next time’

Samantala, naiulat din ang pagkakaroon ng katamtamang pagsingaw na napadpad sa gawing silangan at silangan-hilagang-silangan, at ang pamamaga umano ng bulkan na may panandaliang pag-impis ng silangang bahagi.

Nasa 969 tonelada ng sulfur dioxide flux naman kada araw ang ibinuga ng Bulkang Mayon mula nitong Lunes, Agosto 7.

Naobserbahan umano ang naturang pag-aalburoto ng bulkan dakong 5:00 ng madaling araw nitong Lunes, hanggang 5:00 ng madaling araw nitong Martes.

Ayon sa Phivolcs, maaaring maganap ang pagguho ng bato, pag-itsa ng mga tipak ng lava o bato, pag-agos ng lava, uson, katamtamang pagputok, at pag-agos ng lahar kung may matinding pag-ulan.

Kaya naman, mariing ipinagbabawal sa publiko ang pagpasok sa anim na kilometrong (6 km) radius Permanent Danger Zone maging ang pagpapalipad ng anumang sasakyang panghimpapawid sa ibabaw ng bulkan.

Nananatili pa rin sa Alert Level 3 (increased tendency towards a hazardous eruption) ang Bulkang Mayon.